Showing posts with label Maikling Kwento. Show all posts
Showing posts with label Maikling Kwento. Show all posts

Monday, November 12, 2012

Search Tab: Jomer

“Mga anak, mahal kong asawa, mag-ingat kayo dito ha. Tandaan ninyo na mahal na mahal ko kayo.”

Limang taon pa lang ang panganay kong si Jessie at tatlong taon naman si Rafael. Nangibang-bansa ang aking asawang si Jomer para sa aming kinabukasan. Mahirap dahil mag-isa kong itataguyod ang aking dalawang anak. Mahirap pero kailangan naming magsakripisyo para sa aming ikabubuti. Limang taon? Mabilis lang ang takbo ng panahon. Kaya yan!

Sa unang dalawang taon, sa pamamagitan ng liham lamang kami nagkakausap ni Jomer. Buwan buwan kaming nagsusulatan at nagbabalitaan sa mga pangyayari ng bawat isa sa amin. Pero lumipas ang limang taon. Walang dumating na Jomer sa tahanan namin. Nadismaya ang mga anak namin, ako at mga magulang niya pati mga kamag-anak niya. Wala naman kaming naging problema. Wala rin kaming nababalitaan na sakuna sa eroplanong sinasakyan niya. Nasaan ka Jomer?, tanong ng isip ko.

Mahal kong asawa,
Malayo man ako sayo at sa ating mga anak. Tandaan mong hinding hindi ko kayo pababayaan. Mahal na mahal ko kayo. Gustong gusto ko na kayong makasama. Malalaki na ang mga anak natin. Gusto kong nandiyan ako sa tabi nila habang nagdadalaga at nagbibinata sila.

Mahal, konting tiis na lang. Makakasama ko na kayo. Pangako, hindi ko na kayo iiwan. Sapat na ang naipon natin para sa pagpapatayo ng ating negosyo. Ang hirap mawalay sa inyo. Pero kinaya kong lahat para sa atin.

Mag-ingat kayo dyan. H’wag nyo akong alalahanin dito.

Nagmamahal,
Jomer

Huling sulat na natanggap namin mula kay Jomer.
***
Lumaki sila Jessie at Rafael na hindi nakakasama ang ama nila. Dumaan ang mga birthdays , graduations, at pasko na wala si Jomer. Labing-anim na taon na ang nakalipas, ni wala man lang akong nabalitaan kung ano talaga ang nangyari kay Jomer. Pati sa agency niya, walang makakapagsabi kung nasaan siya. Hindi ko na rin alam kung ano ang isasagot ko sa mga kamag-anak niya at lalo na sa aming mga anak. Jomer, bakit mo ito ginawa sa akin?

“Nay! Nasaan ba talaga si Tatay?”

Ang laging tanong ng mga anak ko kapag nasa hapag-kainan kami, wala akong tamang maisagot dahil kahit ako man ay walang alam. Labing limang taon na rin ang nakalipas na wala kaming balita sa asawa ko simula noong siya ay mangibang-bansa hanggang sa natapos ang limang taong kontrata. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya. Buong pamilya ay nag-alala sa kanya.

Kolehiyo na ang dalawa kong anak. Sa awa ng Diyos, naitaguyod ko naman silang mabuti at napag-aral. Nagpasalamat na rin ako dahil lumaki silang masipag mag-aral at mababait. Wala rin akong naririnig mula sa kanila na may galit sa kanilang ama. Hay! Nakakalungkot! Jomer, sana andito ka!
***
Sa Computer Laboratory…

“Ate, i-search kaya natin si Tatay sa net?” Sabi ni Rafael, “malapit na birthday ni Nanay. Pang-gift na lang natin si Tatay para sa kanya. Naawa na ako sa kanya e. Minsan nakikita ko siyang tulala at umiiyak.”

“Nasubukan ko na noon sa friendster pero wala e. Pero tama ka. Subukan nga natin sa Facebook,” sagot ni Jessie. “Ano ba talaga nangyari kay Tatay?”

Mga tanong na hindi masagot ng bawat isa sa amin. Pero minsan, umaasa pa rin akong magkakaroon ng sagot sa lahat ng tanong.

“Rafael, ang daming kapangalan ni Tatay dito oh,” sambit ni Jessie, “makikilala pa ba natin siya?”

“Hindi ko na rin matandaan mukha niya e. Sa tagal ng panahon na hindi natin siya nakita at nakasama. Malabo yata ate na makikilala natin si Tatay,” sagot ni Rafael.

“Wag tayong mawalan ng pag-asa. Dapat gagawa tayo ng paraan. Tayo naman ngayon ang kikilos, Rafael. Para sa ating ina.”
***
 Ilang buwan din ang paghahanap ng mga anak ko sa kanilang Tatay. Wala akong kaalam-alam na gumagawa pala sila ng paraan para mabuo ulit kami. Nawalan na ako ng pag-asa. Pero ang mga anak ko pala ay umaasa na isang araw makakasama namin siya.

“Rafael, mag-usap nga tayo.”

“Bakit Ate? May nagawa ba ako?”

“Wala naman. May sasabihin lang ako sayo tungkol kay Tatay.”

“Natagpuan mo na si Tatay?”

“Oo! Naghalungkat ako ng mga larawan ni Tatay. At isa isa kong tinitingnan doon sa lahat ng mga kapangalan niya sa Facebook. Sa awa ng Diyos, natagpuan ko siya.”

“Wow! Ate, ang galing mo!” Sabay yakap ni Rafael kay Jessie, “kelan natin siya makikita? Teka, bakit parang malungkot ka? Natagpuan mo na siya di ba?”

“Hindi ko alam Rafael kung paano ko sasabihin ito. Ano kasi e….tinawagan ako ni Tatay kagabi lang.”

“Ate, sabihin mo na…”

“May ibang pamilya si Tatay,” mahinang sabi ni Jessie, “pero gusto niyang makipag-usap at makipagkita sa ating dalawa.”

Nagkita at nagkausap ang mag-amang Jessie, Rafael, at Jomer. Nailahad na rin kung anong dahilan ni Jomer bakit bigla siya nawala. Tinanggap naman siya ng buong buo na walang halong puot na naramdaman ng mga anak niya. Pinatawad at tinanggap siya ng mga anak niya.
***
Dumating ang araw ng aking kapanganakan. Nagdiriwang kami ng aking dalawang anak at ilang mga kamag-anak. Naging masaya naman ang kaarawan ko pero sana mas masaya kung andito si Jomer. Ilang kaarawan ko na rin siya hindi nakakasama pero hindi ko alam kung bakit lagi ko pa ring pinapangarap na makakasama siya.

Habang nagkasiyahan kami sa hapag-kainan. Nagbibiruan. Naglolokohan. Nagtatawanan. Masaya. Nakangiti ang lahat. Pero isa lang ang tunay na magpapangiti sa akin.

“Nanay, may sorpresa po kami sa inyo,”pilyong ngiti ni Rafael.

“At ano na naman yan Rafael ha?”

“Basta,” sabat ni Jessie.

“Kayong dalawa ha…ang hilig niyo sa sorpresa na yan,” sagot ko “t’wing kaarawan ko lagi niyo na lang akong……”

Pero naputol ang sasabihin ko dahil may biglang nagsalita sa likod namin.

“Maligayang kaarawan, Dolores.”

Nagkatinginan kaming lahat sa kinaroroonan ng boses. Laking gulat ko dahil si Jomer ang nakikita ko. Hindi ko alam kung nanaginip ba ako. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon.Sobrang laki ng ngiti ko noong makita siya.

“Jomer,” sambit ko, “nagbalik ka!” sabay yakap ko sa kanya. “Anong nangyari sa’yo? Bakit ngayon ka lang nagpakita?”

Walang patid ang pagbuhos ng aking mga luha sa mata. Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman. Masaya ako, dahil sa haba ng taong paghihintay, ito siya nagbabalik.

Nilapitan ko siya. Niyakap ng mahigpit.

“Jomer…mahal ko, nagbalik ka. Salamat sa Diyos!” Nagyakapan kami. Lumapit sina Jessie at Rafael habang punas punas ang kanilang mga luha sa mata. Nagyakapan kaming apat.

“Dolores…mahal ko! Patawad!”

“Tatay… Nanay…kumpleto na tayo” sambit ni Jessie.

“Patawad, Dolores! Patawad dahil hindi ako bumalik sa inyo. Dolores, nagkaroon ako ng isa pang pamilya. Alam kong malaking kasalanan ang nagawa ko sa inyo ng mga anak ko. Sa pamilya ko. Pero nandito ako para humingi ng tawad,” paghingi ng tawad ni Jomer “si Jessie ang nakahanap sa akin sa pamamagitan ng Facebook. Simula noon, lagi ko na siya nakakausap. Minsan, tinatawagan ko siya.”

“Nasaan ang pamilya mo?”

“Namatay ang asawa ko dahil sa kanser. May isa kaming anak, sampung taong gulang,” patuloy na kwento ni Jomer “tuluyan na sana akong hindi magpakita sa inyo dahil wala akong mukhang maihaharap sayo, sa mga anak natin at sa mga kamag-anak natin. Pero simula noong nakausap ko si Jessie at Rafael. Alam kong mahirap tanggapin ang isang taong nakagawa ng malaking kasalanan pero andito ako naglakas loob para humingi ng tawad sa inyo. Dolores, mga anak ko…..patawarin ninyo ako.”

Niyakap ko siya ng mahigpit. Walang patid ang luha sa aming mga mata. Luha ng kaligayahan at luha ng hinanakit.

“Pinapatawad na kita, Jomer! Kailangan ka namin ng iyong mga anak. Magsimula ulit tayo.”

“Ayos,” sabay sabi nina Jessie at Rafael.

“Huy! Kayong dalawa ha…kumukota na kayo sa sorpresa sakin. Humanda kayo!”

“Nanay naman e…pero uuyyyy masaya na siya!”

Tawanan ang lahat…

Ako si Dolores. Ito ang kwento ng buhay ko. Dahil sa Facebook natagpuan at nakasama kong muli ang taong nagpapakumpleto ng aking buhay…si Jomer!

*Wakas*


This is my official entry for PEBA 2012.

Theme: The Social Media and I: Bridging the Past, Present and Future

Sunday, October 14, 2012

Ang Paglalakbay ni Lawretz

Paglalakbay

Nais kong libutin ang mundo. Nais kong marating ang iba’t ibang lugar na nakikita ko lamang sa telebisyon at magasin. Nais kong alamin ang kasaysayan ng bawat pook na mapupuntahan ko. Pero umpisahan ko ang paglalakbay sa lugar kung saan ako ay naging isang Pinoy…..ang Pilipinas!

Ako si Lawretz, isang manlalakbay!

Ang unang paglalakbay ay sa lugar kung saan ako ay ipinanganak. Dito ipinagdiriwang ang tinatawag na “Bonok Bonok Marajaw Karajaw Festival,” ito ay pagsasalamin ng isang mayamang kultura na ipinaman sa lungsod.  Ito din ay bilang paggalang kay Saint San Nicolas de Tolentino. Ang bonok bonok ay isang ritwal na sayaw ng mga katutubo. Ipinagdirawang ng mga Surigaonon sa buwan ng Septembre.

Bilang isang bagong manlalakbay ito napakagandang karanasan para sakin dahil bihira ko lang ito masaksihan.
***
Ang susunod na paglalakbay ay sa lugar kung saan tinatawag itong City of Smiles. Ipinagdiriwang nila dito ang tinatawag ng Festival of Smiles o mas kilala sa tawag ng “Masskara Festival”. Ang kwento sa likod ng maskara ay noong ika-22 Abril 1980 ang barkong Don Juan ang may dalang mga Negrenses kabilang ang prominenteng pamilya ng Bacolod City, bumangga sa barkong Tacloban City at ito ay lumubog, tinatantyang halos 700 ang namatay.

Dahil sa trahedyang ito, napagkasundo ng kinauukulan na ipagdiwang ang Masskara Festival bilang deklerasyon na kahit anong bigat na pangyayari ang nakakaharap ng mga tao ay marunong pa rin silang ngumiti. At dito naging tanyag ang Masskara Festival ng Bacolod City.

***
Rinig na rinig ko ang hiyawan ng isang grupo sa may kanang bahagi ng kahabaan ng Session Road habang hinihintay ang pagsisimula ng pagdiriwang sa lugar. Ang pagdiriwa na ito ay  tinatawag na Flower Festival na mas kilala sa tawag ng “Panagbenga Festival”, sa buwan ng Pebrero. Nilikha ito bilang pagkilala sa mga bulaklak ng lungsod at bilang isang paraan para bumangon mula sa pagkawasak ng lumindol noong 1990. 

Ang mga kalahok sa patimpalak na ito ay may iba’t ibang magaganda at matitingkad na kulay na kasuotan na may dala-dalang bulaklak ang bawat isa.

Pero hindi lang ito ang napansin ko. Kapansin-pansin ang isang babae kasama sa grupo na kanila lang ay hiyawan ng hiyawan. Isang mala-anghel na mukha ng isang babae. Maganda at simpleng babae. Makinis ang balat. Matangos ang ilong. Mahaba ang buhok. Ito ang pumukaw ng atensyon ko. Ang ganda niya!

Hindi ko man sinasadya pero hindi maalis ang aking paningin sa napakagandang babaeng nakita ko sa tanang buhay ko. Habang hinihintay ko din ang pagsisimula ng pagdiriwang ay nakatulalang nakatingin sa kanya.

Lingid sa aking kaalaman ay nakatingin din siya sa akin, napangiti siya. Pero nakikita ko na lang ang aking sarili na hawak hawak ang kamera’t kinukuhanan sya ng larawan sa iba’t ibang angulo. Bawat ngiti. Bawat galaw. Bawat kilos ay hindi pinaglagpas ng aking kamera. Napakagandang babae!

“Ayan na! Ayan na!” Sabay turo niya sa mga umiindak at sumasayaw na mga kalahok. Habang ako naman ang abala sa pagkuha ng larawan.

Klik….klik…klik…
***
Maraming lugar na rin akong napuntahan. Maraming natutunan sa bawat lugar at ang kasaysayan nito. Ang mga kwento at kasaysayan na kanilang pagdiriwang. Bawat paglalakbay ko ay punong puno ng kaalaman. Madami na rin akong nakilala, isang manlalakbay din katulad ko. Pero isa lamang ang hinding hindi ko makakalimutan sa aking paglalakbay. Ang babaeng nakita ko, ang babaeng nasa mga larawan.

Kasunod kong pinuntahan ang tanyag na pagdiriwang, ang “Sinulog Festival” ng Cebu City, tuwing ikatlong linggo sa buwan ng Enero. Ang pagdiriwang ito ay bilang paggunita sa pinagmulan ng mga tao at bilang pagtanggap ng Katolisismo Romano. May 800 na katutubo ang nabinyagan sa simbahang katoliko. Ang pagsayaw hawak ang Santo Nino ay bilang basbas sa lahat ng tao para maiwas sa kapahamakan.

Habang nakikisaya ako sa mga umiindak na kalahok ay napansin ko na naman ang isang babae na palagay ko ay nakita ko na. Yong babae na kinuhanan ko ng larawan. Nakikiindak sa mga kalahok ang nasabing babae. Dali dali kong tinutok ang mga lenses ng kamera ko dahil ito ay panibagong pagkakataon na siya ay aking makuhanan.

Akmang akma nakatingin siya sa akin habang nakangiti. Klik!

***

Pag-ibig ng manlalakbay

Pauwi na ako noon mula sa aking paglalakbay. Dali dali akong pumasok sa himpilan ng eruplano dahil nahuli na ako ng ilang minuto. Sa sobrang pagmamadali ko ay nabonggo ko ang isang babae na nakakasalubong ko na nagmamadali din sa paglalakad. Nalaglag ang kanya mga gamit at agad agad kong dinampot at humingi ng paumanhin.

“Binibini, pagpaumanhin po ninyo. Ako po ay nagmamadali. Pasensya na,” sabay abot ng kanya mga gamit.

“Wala yon! Pasensya na rin at hindi ako nakatingin sa dinadaan ko. Nagmamadali din kasi ako at maiiwanan na ako ng eruplano ko,”  sagot niya.

Pagkalingon ko, siya ang nasa harapan ko ngayon. Ang babaeng nasa mga larawan ko. Nakangiti. Natameme ako at natulala. Nawala na sa isip ko ang oras ng lipad ko. Pero, hindi ko nakalimutan ang pagpakilala sa kanya.

“Ako nga pala si Lawretz….Lawretz....” hindi ko na natuloy dahil tinatawag na ng information center ang aking pangalan.

“Ayan, Ginoo! Ikaw po yata ay tinatawag na.” Sabay tawa niya. “Julian Monte de Ramos. Mag-ingat ka, Ginoo!”

“Salamat!” ang tanging tugon ko sa kanya.

***

Hindi lang kasaysayan ang natutunan ko sa mga lugar na pinupuntahan ko. Natagpuan ko din ang aking pag-ibig, ang babaeng akala ko sa larawan ko lang nakikita. Si Julian, ang babaeng pumukaw sa natutulog kong puso. Siya ang babaeng matagal ko ng pinangarap. Siya ang babaeng akala ko’y sa panaginip ko lang makakasama.

Kahit matagal ka ng nag-iisa sa buhay mo. Kahit minsan pakiramdam mo’y tatanda kang walang makakasama. Pero napatunayan kong maling akala lamang ang mga ito. Dahil sa tagal kong naghintay at matagal din akong nag-iisa sa buhay. Pero dumating ang araw na natagpuan ko siya. At natagpuan nya ako.

“May mahalagang bagay akong ibibigay sayo, Julian”

“Ako din. May mahalagang bagay akong ibibigay sayo. Ito’y napakahalaga sa akin.”

Sabay naming inabot ang regalo namin sa isa’t isa. At sabay sabay din namin itong binuksan. Habang dahan dahan niya itong binuksan. Nakita ko ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. Noong nakita ko din ang regalo niya para sa akin. Hindi ako makapaniwala.

“Kinukuhanan mo din ako ng mga larawan ko noon?” Tanong ko sa kanya.

“Oo, Lawretz! Palihim din kitang kinukuhanan ng larawan. Hindi ko akalain pati ikaw ay kinukolekta ang mga larawan ko.”

“Noong una kitang nakita. Gustong gusto na kita. Nagkaroon ako ng pagkakataon ng makuhanan kita ng larawan. Sabi ko, kahit sa larawan man lang kita mapagmasdan t makasama.”

“Hindi na ngayon!”

“Oo! Dahil habang buhay na kitang pagmasdan at makakasama. Mahal na mahal kita, Julian!”

“Buong buhay kita mamahalin, Lawretz!”

-Wakas-

 Ito po ay opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 4 sa kategoryang Maikling Kwento.



Sponsors:





Sunday, September 9, 2012

With a Smile (Goodbye)

Limang taon. Oo. limang taon din nating pinagsasaluhan ang mainit ng ating pag-iibigan. Sa una, akala ko hindi natin malagpasan ang pagsubok na dumaan sa ating pagsasama. May mga pagkakataon na gusto na nating bumitiw pero dahil sa pagmamahalan natin. Tayo'y pinagsama pa rin ng ating tadhana. Noon, hindi ko akalain na magiging tayo. Hindi ko lubos maisip na ikaw at ako ay magkakasama at pagsaluhan ang magagandang alaala.

Dati, lagi kong iniisip na langit ka at nasa lupa lamang ako. Ang hirap mong abutin. Pero laking gulat ko, isang araw, ikaw'y napapasaakin. 

Dati, akala ko, ayaw ng mga magulang at mga kapatid mo sa akin dahil sa antas ng inyong pamumuhay. Kumpara naman sa antas ng aking pamumuhay. Malaki ang agwat. Pero hindi ito balakid sa ating pagmamahalan. Bagkus, tinanggap nila ako ng buong buo. Walang pagdududa!

Ang saya noong mga panahong iyon. Kaya, sobra kitang minahal at inaalagaan. Pati mga magulang at mga kapatid mo ay minahal ko at inaalagaan ko dahil sa isip ko, bihira lamang ang ganito, ang pagtrato nila sa isang katulad ko. Sobra napakabuti nila sakin.

Dumating ang panahon na bigla ka na lang nanghina. Biglang humina ang katawan na dati kay sigla. Napag-alaman namin, na hindi ka na magtatagal. Sobrang lungkot ng aking nadarama. 

Hanggang sa dumating ang araw na iyon, nais mong dalhin kita sa dalampasigan. Nais mong lumanghap ng sariwang hangin. Dinala kita roon. Kumapit ka sa aking likod habang naglalakad tayo papunta sa dalampasigan. Ramdam na ramdam ko ang iyong paghahabol ng hininga. Ramdam ko ang panghihina mo. Pero lakas loob mo pa ring magpatuloy sa ating patutunguhan.

"Kargahin na kita," ngunit ngiti lamang ang sinagot mo sakin.

Kinarga kita hanggang marating nating ang dalampasigan. Dahan dahan kita binaba sa buhanginan. Kitang kita ko ang mga magaganda mo pa ring ngiti. Ngiti na laging nagpapalakas ng aking loob.

Katabi kitang nakaupo hanggang tinatanaw ang papalubog na haring araw. Hawak hawak ang kamay mo. 

"Napakaganda ng buhay. Napakaganda ng buhay ko noong makilala kita," mahina mong sabi  sa akin "napakasaya ng mga alaala ng ating pinagsasaluhan. Masaya akong binigyan mo ng kulay ang mundo ko. Hindi mo nakakalimutang isuot ang mga ngiti sa aking mga labi."

Halik lamang ang naisagot ko sa mga salitang lumalabas sa iyong mga labi. At ang katagang, Mahal na mahal.

"Rex, nais ko ng matulog" sambit mo sa akin "mahal na mahal din kita." Higpit ng yakap mo sakin habang sinasabi mo iyon. Humiga sa aking kandungan. Dahan dahan mong pinikit ang mga mata mo habang sinasabi ang "Maraming salamat..."



videokeman mp3
With a Smile – Aiza Seguerra Song Lyrics

Tuesday, April 12, 2011

Elmo

Si Elmo ay isang simpleng mamamayan. Siya ang takbuhan ng anim niyang kapatid. Kahit konting problema ay si Elmo pa rin ang tatakbuhan nila. Kung tutuusin ay kaya naman nilang lutasin. Si Elmo, ang sa tingin nila'y matatag. Matapang humarap sa mga problemang kahaharapin ng pamilya. Siya ang sumbungan ng lahat ng mga problema at kung anu ano pa. Si Elmo! Si Elmo! Si Elmo!


"Anak, kausapin mo naman ang kapatid mong h'wag ng uminom. Napapadalas na ang pag-iinum niya simula noong maghiwalay sila ng asawa niya." 

"Sige, Nay! Ako na bahala kay kuya."

"Kuya Elmo! Tulungan mo ko dito... dali!!!"

"Andyan na Elsa!"

"Elmoooo.... samahan mo sa bukid may kukunin tayo doon."

"Tay, may gagawin pa ako...."

"Uunahin mo ba yan! Samahan mo muna ako. Uuwi agad tayo!"

"Okey po!"

Sa dami daming tao sa bahay nila Elmo. Bakit si Elmo ang laging tatabukhan ng lahat... utos dito, utos doon...lahat na lang!

Isang umaga.... nakita ng magkakapatid ang katawan ni Elmo na nakabitin sa puno na Mangga, wala ng buhay.

Sumisigaw ang magkakapatid...natataranta....umiiyak....

Pagkababa kay Elmo, may nakita silang nakalakip na isang pirasong papel sa pantalon nito. Agad nila itong kinuha at binasa.....

Mahal Kong Pamilya,

Hindi ko na kaya ang pinaggagawa ninyo sa akin. Lahat na lang ay sa akin iasa. Pero okey lang 'yon dahil mahal ko kayo. Sadyang napapagod na ako. May sariling problema rin ako pero hindi ko kayo malapitan dahil lagi kayong Elmo, Elmo, Elmo... paano ko masasabi ang problema ko kung kayo mismo ay hindi kayang lutasin ang sariling problema.

Mahal ko kayong lahat pero pagod na ako.... Nawa'y sa pagkawala ko ay matuto kayong lahat.

Nagmamahal,

Elmo