Patalastas:
Bago ko po ipagpatuloy ang kwento ko ako'y babati muna sa lahat ng Nanay sa buong mundo... HAPPY MOTHER'S DAY!!!
Nay, Mahal ko po kayo... miss ko na po kayo! Ingat kayo palagi :)
************************************
Part III
Susuko na ba ako?
Palipat-lipat kami ng apartelle noon at minsan naman sa motel kami pinapatuloy… kung hindi ako nagkakamali tatlong motel na ang napasok namin at dalawang apartelle… palipat-lipat na parang taong gala. Tumagal ang pag-stay namin sa isang apartelle sa may west ave. sa Quezon City. Doon kami halos isa o dalawang buwan namamalagi. Sa umpisa, ok naman ang kalagayan namin dahil binibigyan kami ng food allowance at sila ang nagbabayad ng rent sa apartelle na yon.
Ganon pa man, panay pa rin ang pangungulit ng mga kamag-anak ko lalo na si Inay. Pero nananatili akong matigas dahil nasa puso ko pa rin ang pananabik na makakaalis at tuparin ang mga pangarap. Naghihintay pa rin ako na minsan ay naisip ko na ring sumuko at umalis sa apartelle na tinutuluyan ko.
“Ok lang ako ‘wag kayong mag-alala”
Pero alam kong nahihirapan na ako sa sitwasyon lakas loob ko pa rin haharapin ang pangarap na 'yon. Desisyon ko ito kaya paninindigan ko. Kung anuman ang mangyari hindi ko ito pagsisisihan. Manghihinayang, oo! Dahil malaki na ang nagastos ko sa pangarap kong ito.
“Ate, kamusta? Ano na ang balita?”
“Dong, hintay lang kayo ha… please Dong, hintay lang kayo...”
Maraming pangako ang binibigay sa amin. Mga pangako na kay sarap isipin kung talagang tutuparin.
“Mark, uwi ka na lang dahil si Ante Baby ang payat na dahil sa pag-alala sayo… ‘wag mo na lang isipin ang nagastos mo dahil pera lang yan at siguro maiintindihan ka ng Lola mo, hindi mo naman kagustuhan ang nangyari e. Iyak nang iyak ang mama mo. Magpakita ka na dito…” Text iyon ng Auntie ko.
May kirot sa puso ko noong nabasa ko ang text. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noong araw na natanggap ko ang mensahe na iyon. Gusto kong umiyak dahil pakiramdam ko nabigo ako sa pangarap ko. Gusto kong sumigaw… at itanong kung bakit nangyari sa akin yon! Kung ano ang naging kasalanan ko...
Halos isa o dalawang buwan na hindi kami nagkita ng aking mahal na ina kaya naman ganoon na lang siya kung mag-alala. Nasa Pinas lang naman ako noon pero parang ang layo ko sa pamilya ko. At minsan naisip ko para akong naglayas na hinahanap ng aking pamilya.
Pinipilit kong maging matatag kahit gusto ko nang sumuko sa mga oras na iyon. Mabuti na lang at may karamay ako sa mga panahong nalulungkot at nabibigo ako. May kausap. At ang karamay ko sa mga panahong iyon ang kumpare na biktima rin, katulad ko. Minsan gusto kong sisihin ang sarili ko dahil nadamay pa siya sa katangahan ko.
Nangarap lang naman ako na iahon at ibigay ang gusto ng mga magulang ko at ibalik ang karangyaan na meron sila noon…
Isang araw, text kami ng text sa kanya para alamin kung ano na ba talaga ang mangyayari sa amin. Kami ba ay makakaalis pa? O hindi? Hanggang kailan kami maghihintay?
“Dong, darating ang taong magdadala sa inyo sa Dubai. Hintay lang kayo ha dahil dyan din siya tutuloy…”
May konting ngiti sa puso ko noong sinabi niya sa amin yon. Sana matuloy na. Please, Lord! Sambit ko sa Itaas.
Ang pagdating…
Dumating na nga yong sinasabi niyang tao na magdadala kamo sa amin papunta sa Dubai at doon maninirahan sa bahay nila. Hmpt! Ang daming dahilan… At ayon, kinausap naman kami nang maayos at pinaliwanag kung bakit nagkaganon. At naku po, alam na alam niya ang nangyayari sa amin… syempre chinismax siguro ni tanda ang mga reklamo namin pati na rin reklamo ng mga kamag-anak. Maayos naman makipag-usap yong lalaki… parang Medrep nga na nagbebenta ng produkto. Haayyss… hindi ko na alam kung maniniwala pa ako sa mga magagandang paliwanag mula sa nagbubulang bibig nila.
Lord, sana nga totoo ang mga sinasabi nito! Sambit ko ulit sa Kanya. Lumipas ang araw at ang isang lingo. Wala pa ring nangyayari. Paggising ko nang umaga akala ko nasa Dubai na ako. Syet! Pilipinas pa rin pala… haayyy! Ano ba talaga ang nangyayari?
Tinawagan na namin siya para ipaalam na sinisingil na kami ng management ng apartelle pero walang reply. Gutom na gutom na kami dahil wala na kaming makain. Dahil hindi na kami nabigyan ng food allowance at pati rent ng apartelle ay nakalimutan na at kami na ang kinukulit ng mga tauhan ng apartelle.
Pabalik-balik na ang tauhan ng apartelle sa kwarto namin para itanong kung mag-extend pa kami. Wala akong maisagot sa tanong dahil natulala na ako sa mga nangyayari at siguro dahil na rin sa gutom.
“Ma’am, magkano po ba ang balance namin?”
“Sir, 1,200 po ang balance niyo… kung mag-extend pa kayo ng isang araw bale 2,000+ ang babayaran niyo.”
Hindi ko alam ano ang gagawin ko sa mga oras na iyon dahil ako’y litong lito na. Nanginginig na ako kakapindot ng keypad ko sa phone para itext o tawagan si Ate. Pero, ni isang reply… WALA akong natanggap! Natataranta na ako…
“Sir, ano extend pa po ba kayo?”
Limang oras pa ang aming pamamalagi sa apartelle na yon pagkatapos ng limang oras dagdag singil na kami. Kaya naisip kong kontakin ang kamag-anak ko. Wala na akong ibang maisip kundi ibenta ang gamit kong phone para bayaran ang apartelle at umalis na. Doon na ako nakapag-desisyon na… AYOKO na! Suko na ako!
Alas dos ng hapon, buwan ng Enero taong 2006.
Sa SM Sta. Mesa, nakipagkita ako sa aking kamag-anak para ibenta ang phone ko. Mabuti na lang at binili nila. Kaya pagkakuha ko ng pera agad agad akong bumalik sa apartelle para makahabol sa oras. Ni hindi na ako nakipagkwentuhan at hindi ko na sinasagot ang mga tanong nila. Napansin nilang tolero na ako at namayat na rin. Pinipilit kong ngumiti sa harap nila pero kung napapansin man nila may lungkot sa aking mga mata.
Pagdating ko nang apartelle derecho agad ako sa cashier para bayaran ang balance at mag-declare na lalabas na ako. Pagkabayad ko… derecho agad ako sa kwarto at nagligpit ng mga gamit…
“Pare, saan ka pupunta?”
“Pare, aalis na ako dito…uuwi na ako sa Laguna.”
Dahil gusto na ring umalis ni Kumpare isinasama ko na lang siya pauwi ng Laguna dahil nandoon ang kapatid at ang nanay ko na matagal nang naghihintay. Dali dali kaming umalis sa apartelle na yon… Kinalimutan ko na ang pangarap na makaalis ng bansa dahil sobrang pagod na pagod na ako noon.
Sa Laguna…
Gabi na kami nakarating ng Laguna… hindi nila inaasahan na makikita nila ako noong gabing ‘yon.
“Ma, si tito…” sambit ni Weskee (Pamangkin ko)
Nakatayo ako noon sa may pintuan na nakangiti habang tinititigan sila. Hindi ako makapagsalita sa mga oras na nandoon na ako sa bahay. Walang kibo. Agad lumapit ang Nanay at niyakap ako (umiiyak si Inay). Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Nahihiya ako sa nangyari. Ngiti lamang ang tanging sagot ko sa mga tanong nila. Ngiti na kumukubli sa mga kabiguan at kalungkutan na nararamdaman ko sa mga oras na yon.
Masakit para sa akin ang pangyayari… isang malaking pagkabigo ang naranasan ko. Wala akong mapagkwentuhan noon sa aking nararamdaman. Wala akong sagot kung bakit nangyayari sa akin yon. Maraming tanong sa aking puso at isipan. Pinipilit kong tumayo mula sa aking pagkadapa. Pinipilit kong maging matatag kahit pakiramdam ko babagsak na ako. Na minsan naisip ko nang tumalon sa Pasig River dahil sa sobrang depressed ko.
“Alam na ni Lola mo ang nangyari sayo. Siya pa nga ang nagsabi na umuwi ka na lang.”
Umiiyak ako noon na hindi nagpapakita sa kanila. Iyak nang pagkabigo. Hinding hindi ko makakalimutan ang karanasan na iyon. Pinipilit ko pa ngang umiwas sa mga tanong na nag-uugnay sa naudlot kong pag-alis. Kahit hanggang ngayon kapag naisip ko… nalulungkot pa rin ako dahil nabigo ako! At hindi ko maiwasan na umiyak.
Kinontak kami ni ate noon pero hindi na ako ang nakipag-usap sa kanya pagod na ako sa mga lintik na pangako. Gusto sana nang kapatid ko na ipaalam sa imbesgador o sa bitag ang nangyari sa amin para kami ay matulungan. Ano?! Bigla na naman akong kinakabahan noong sinabi ni Kuya yon. Si Mark? Makikita sa telebisyon? Parang hindi ko ata kaya yon… Hindi ako pumayag sa halip nakipagkita at kinausap na lang si ate at kinuha ang placement fee na binigay namin sa kanya. Nagmamakaawa siya sa amin noon dahil hindi raw niya alam kung saan siya kukuha ng pera.
“Naawa ka ba sa amin noong kami ay nagmamakaawa sayo?”
Iyak lamang ang sagot ni Ate naawa man ako sa kanya pero dapat lang na magdemand ako dahil hindi lang ako ang naperwisyo sa kagagawan niya pati pamilya ko.
“Dong, alam mo naman na hindi ko kasalanan to di ba? Si ___ kasi ang humawak ng pera niyo at ginamit niya pala ang pera na pambili ng ticket niyo?”
Hindi na ako nakinig sa mga paliwanag niya. Sawang sawa na ako. Hindi raw niya alam na ginamit pala ng kasama niya ang pera namin pero alam kong alam niya ang nangyari. Ayaw niya lang magsalita sa amin.
“Basta ibigay mo nang buo ang pera na binayad namin sayo… dahil kung hindi magkita-kita na lang tayo sa korte.”
“Dong, Baby (pangalan ng Nanay ko), maawa kayo sa akin may mga anak pa akong nag-aaral.”
Wala kaming pinagkinggan sa mga paliwanag at pagmamakaawa niya sa amin. Sa halip binigyan siya ng ilang buwan para mahanap ng pera para ibalik ang lahat ng nagastos ko. Oppsss… wag na kayong magtanong kung magkano!
Mabuti naman at sa takdang araw na binigay namin sa kanya binalik niya ang pera sa akin. Nakapanghihinayang dahil hindi na nga ako natuloy nawalan pa ako ng trabaho. Matagal bago ako naka-move on sa nangyari. Hindi lumalabas ng bahay. Kung lumabas man, sa gabi!
Walong buwan akong tambay mula noong ako’y nag-resigned sa pinapasukan kong kompanya noon at pilit kinalimutan ang mga nangyari. Naghanap ng trabaho sa kung saan saan.
Marami pa ring gusto magtanong tungkol sa nangyari pero umiiwas ako. Kahit nakikita man nila na parang hindi ako naapektuhan pero deep inside my heart… sobrang bigat nang nararamdaman ko!
Ilang kompanya na rin ang pinasahan ko ng aking resume hanggang sa ako’y tinanggap dito sa isang Pharmaceutical dito sa may Mandaluyong. Kahit medyo maliit lang ang kita pero ok lang at least hindi ako palamunin ng aking mga magulang.
Nangangarap pa rin ako na makaalis nang bansa dahil andoon pa rin ang gusto kong makatulong sa pamilya ko. Pero hindi ko alam kung para sa akin ba talaga ang pag-aabroad o hanggang dito lang ako?
Minsan talaga hindi ko maiwasan na hindi malungkot sa mga nangyayari sa akin. Pangarap na pinilit kong abutin pero hindi ko talaga maabot sa halip nabigo pa ako.
Matutupad pa kaya ang mga pangarap na ‘yon?
P.S.
Maraming salamat po sa mga sumusubaybay sa aking kwento hango sa aking karanasan. At pagpasensyahan niyo na po kung kayo man ay nabitin sa kwento ko. Salamat po ulit sa inyong lahat. God Bless you!